DAVAO CITY- Idineklara ngayon ng lokal na pamahalaan ng Mati City, Davao Oriental na cleared 29 na residenteng bumiyahe sa Guangzhi, China matapos nakumpleto ng mga ito ang 14-day mandatory quarantine.

Dumating noong January 27 ang mga residente at natapos ang kanilang two weeks quarantine kahapon, Pebrero 9.

Sa 29 na pasyente, dalawa lamang ang idineklarang “person under investigation” (PUI) matapos itong makaramdam ng flu-like symptoms habang ang natititira naman ay kinonsidera bilang “persons under monitoring” (PUM).

Dalawa naman ang dinala sa Davao Regional Medical Center sa Tagum City para sa isolation at observation.

Kinuhaanna rin sila ng samples at ipinadala patungong Australia para isailalim sa confirmatory test.

Una nang pinalabas ni Mati City Mayor Michelle Nakpil Rabat ang Incident Management Team laban sa 2019 novel Coronavirus, African Swine Fever, at sa H5N1 bird flu.

Ang Incident Management Team ay inatasan upang masiguro ang istriktong pagpapatupad sa lahat ng safety at precautionary measures upang masiguro na ang Mati city ay hindi maaapektuhan ng mga nasabing sakit na kumalat na sa ilang bahagi ng bansa at buong mundo.

Sinabi rin ni City Health Officer Dr. Ben Hur Catbagan, na in-activate na rin nila ang Barangay Health Emergency Response Teams sa pakikipaglaban kontra sa nCoV, ASF, at H5N1.

-- Advertisement --