CENTRAL MINDANAO – Naghigpit muli ang city government sa lahat ng hindi taga-Kidapawan City na papasok sa lungsod ng Kidapawan.
Maliban pa sa dapat magpakita sa mga checkpoints ng municipal quarantine pass, valid ID, blue workers pass (para sa mga nagta-trabaho sa Kidapawan City), kinakailangan na rin ang Municipal Health Certificate na COVID-19 free ang sinuman na papasok sa Kidapawan City simula May 19, 2020.
Pinangunahan ni City Mayor Joseph Evangelista ang meeting ng City Anti-COVID-19 Task Force kung saan napagkasunduan ang ilang mga pagbabagong gagawin sa pagpapatupad ng General Community Quarantine sa kasalukuyan.
Bunsod na rin ng pagkakaroon ng isang nagpositibo sa COVID sa kalapit na bayan ng M’lang ang ginawang hakbang ng city government para mapigilan ang pagkalat dito ng nakahahawang sakit.
Maliban pa sa mga nabanggit na rekisitos, kinakailangan din na mag fill up ng locator slips ang mga papasok na taga ibang lugar sa mga itinalagang check points sa lungsod.
Ilalagay sa locator slip kung ano ang dahilan ng pagpasok at saang establisimento siya pupunta sa lungsod at para na rin sa contract tracing.
Tanging sa pagbili ng essentials lamang gaya ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan ang pagkuha ng locator pass at hindi sa pamamasyal sa lungsod, nilinaw pa ng alkalde.
Nagbigay na rin ng kautusan si Mayor Evangelista sa mga kagawad ng PNP na kumpiskahin nito ang mga pekeng food passes na diumano ay ginagamit ng iilang indibidwal para lang makapasok sa lungsod sa panahon ng GCQ.