CENTRAL MINDANAO – Bumilib ang National Housing Authority (NHA) sa City Government ng Kidapawan sa agaran at mabilis na pagtugon nito na mabigyan ng permanenteng pabahay ang mga pamilyang nawalan ng tirahan bunsod ng nakaraang mga paglindol noong Oktubre 2019.

Ang papuri ay nanggaling mismo kay NHA General Manager Marcelino Escalada Jr. na sinabi niya sa mga mamamayan na dumalo at sumaksi sa nangyaring Turn Over Ceremony ng mga Permanent Housing Units sa Barangay Ilomavis, Pebrero 24, 2020.

-- Advertisement --

Sinabi din niya na tama lamang na pasalamatan ng mga beneficiaries si City Mayor Joseph Evangelista sa aktibong pakikipag-ugnayan nito sa NHA at iba pang national line agencies para agad mabigyan ng pabahay ang mga nawalan ng tirahan.

Hindi hamak na mabilis ang pagtugon dw ni Mayor Evangelista at ng City Government sa usapin ng permanenteng pabahay kumpara sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Yolanda noong 2013 at Marawi siege noong Mayo-Oktubre 2017, wika pa ni Escalada.

Una munang na-turn-over ang 20 kabahayan sa mga benepisaryo at ibinigay ito ng libre.

Bahagi ng isang libo at pitong daang permanent housing units ang mga naunang ibinigay para sa mga residenteng nawalan ng tirahan sa limang purok ng Ilomavis ng gumuho ang lupa dulot ng mga malalakas na paglindol.

Ang 1,700 na mga bahay ay itatayo sa mga barangay ng Ilomavis, Balabag, Perez, Nuangan at Indangan para sa mga pamilyang kasalukuyang nakatira sa mga evacuation camps.

Nagkakahalaga ng P289,000 ang bawat bahay na may sariling solar panel, tangke ng tubig, kubeta at septic tank at lugar na pagtatayuan ng lutoan sa likurang bahagi ng bahay.

Magbibigay naman ng livelihood assistance bilang dagdag na tulong ang City Government sa mga benepisyaryo ng permanenteng pabahay, ani Mayor Evangelista.

Mahigit sa apat na raang milyong piso ang halaga ng resettlement housing projects sa lungsod.