Legitimate umano ang operasyon ng mga pulis sa Binan, Laguna noong June 16 kung saan napatay ang dalawang indibidwal kabilang ang menor de edad na si Johndy Maglinte Helis.

Ayon kay PNP Internal Affairs Service (IAS) director Atty. Alfegar Triambulo, nasa proseso na ngayon sa pre-Charge investigation ang PNP IAS hinggil sa naging operasyon ng mga pulis.

Sinabi ni Triambulo, kahit legitimate ang operasyon ng mga pulis kailangan pa rin imbestigahan kung paano namatay ang huhulihing suspek na si Dalit.

Paliwanag ng opisyal, layon nito para tingnan at bigyan ng pagkakataon ang respondent na nagpapatunay na ang pagkamatay ay “in the performance of duty” at ang ginamit nilang pweresa ay tama lamang at hindi sobra. .

Si Dalit ay nagtamo ng tama ng bala sa pagitan ng kaniyang leeg at tiyan habang si Johndy naman ay may tama ng bala sa kaniyang tiyan at upper extremities.

Sa nasabing operasyon, 10 pulis ang iniimbestigahan ng IAS at kasalukuyang nasa restrictive custody.

Sinabi pa ni Triambulo na pinuntahan ng mga tauhan ng IAS ang kaanak nina Dalit at Helis ngunit tumanggi ang mga itong magbigay ng salaysay.

Base naman sa salaysay ng mga pulis, magsisilbi lamang sila ng warrant of arrest laban sa lolo ng live-in partner ni Helis na si Antonio Castillo Dalit alias Tala ang number 10 most wanted person sa probinsiya ng Laguna pero pinutukan daw sila ng dalawa kaya’t gumanti lamang sila ng putok na ikinamatay ng mga ito.

Narekober din sa mga napatay ang dalawang .38 revolver na baril, siyam na sachet ng hinihinalaang shabu, aluminom foil, glass tooter at portable na timbangan.