LEGAZPI CITY – Hinikayat ni BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co ang kooperasyon ng pribadong sektor at mga lokal na pamahalaan kaugnay ng isinusulong na “all-out fundraising” bilang suporta sa pondo para sa bakuna sa COVID-19.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Co, kulang pa ang inilaang budget sa Bayanihan 2 o Bayanihan to Recover as One Act sa pagbili nito para sa 60% hanggang 70% herd immunity ng populasyon lalo pa’t pang dalawang doses ang kailangan sa bawat indibidwal.

Hindi rin aniya kakayanin kung ang national government lamang ang sasalo ng lahat ng bigat ng gastos sa bakuna, ayon pa kay Co.

-- Advertisement --

Suhestiyon ni Co, magkaroon ng “whole of society” fundraising mula sa pribadong sektor, alokasyon mula sa Internal Revenue Allotment (IRA) ng LGU o kaya foreign grants kagaya ng pag-utang sa World Bank.

Dapat umanong makabili na agad ang Pilipinas sa unang labas ng mga bakuna na mas mababa ng kaunti ang presyo kung ihahambing sa pricing kung matagal na.

Isaalang-alang din umano na nasa 20% hanggang 30% ng pondo ay gagastusin sa shipping at cooling storage ng mga bakuna.

Ikinagagalak namang ibahagi ni Co na nag-commit na ang pribadong sektor ng isang milyong Pilipino na mabakunahan kung saan 50% ang target sa government employees at 50% sa private employees.