-- ADVERTISEMENT --
OFWs sa Ethiopia Robert Estrella at Jofel Jamili

LEGAZPI CITY – Inilikas na ng kanilang mga employers ang ilang empleyado mula sa Shewa Robit, bayan sa Ethiopia, dahil sa lumalalang tensyon at karahasan kaugnay ng nagpapatuloy na civil war sa pagitan ng gobyerno at Tigray People’s Liberation Front.

Kabilang sa mga inilikas ang ilang Pilipino na nananatili muna sa hotels sa Addis Ababa, capital city ng nasabing bansa.

Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Robert Estrella, tubong Antipolo City at 12 taon nang nagtatrabaho sa electonics industry sa Ethiopia, ang iba sa mga ito ay ire-repatriate muna patungong Indonesia.

Nitong mga nakalipas na araw, idineklara rin ang state of national emergency matapos na makubkob na ng TPLF ang strategic town ng Dessie sa Amhara region.

Sa kaparehong panayam isinalaysay ni Jofel Jamili, tubong Cebu at apat na taon na sa bansa, namataan ang paghihigpit sa mga lumalabas na residente lalo na sa usapin ng mga armas.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga ipinatupad na protocols ang palaging pagdadala ng identification card saan man magtungo.

Subalit pagtitiyak naman ng dalawa na normal pa ang buhay sa lungsod kung ihahambing sa iba pang mga rehiyon na sentro ng kaguluhan.

Wala naman umanong dapat ipangamba ang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas.