LEGAZPI CITY – Basang mga modules at lubog sa tubig-dagat na mga gadgets at laptops.

Ito ang sitwasyong kinasadlakan ng mga guro ng Hubo Elementary School sa Magallanes North District sa Sorsogon matapos tumaob ang bangkang sinasakyan patungo sa eskwelahan.

Sa kuhang video ng isa mga guro na kinilalang si Rolena Hachaso-Bon Derilon, nakasagupa nila sa biyahe ang malakas na hangin at malalaking alon na nagpataob sa bangka.

-- Advertisement --

Sumabay rin sa problema ang makina ng bangka na hindi na sana umaandar nang nasa pantalan pa sila subalit itinuloy pa rin ang biyahe.

Napag-alaman na magkakasabay na nagtungo sa eskwelahan ang tatlong guro at dalawang volunteer teachers na pawang nasa ligtas na ring kaligtasan sa ngayon.

Malaking pasasalamat naman ng mga ito sa dalawang mangingisdang tumulo sa kanila.

Ayon kay Department of Education (DepEd) Bicol Regional Director Gilbert Sadsad sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, madalas ang ganitong mga insidente sa mga gurong naa-assign sa coastal areas.

Hanga rin umano ito sa sakripisyo at dedikasyon ng mga guro habang handa ring tumulong upang mabawasan ang trauma na dulot ng insidente

Papalitan rin umano ang mga nabasang modules na ipinapasakamay na lamang sa pag-aksyon ng school’s division superintendent na nakakasakop.