LEGAZPI CITY – Mistulang nasa “cloud nine” umano maging ang mga guro at supervisor ng Alternative Learning System (ALS) na pinasukan ni Marcelito Pomoy sa Polangui, Albay matapos ang nakakamanghang performance ng Pinoy pride sa America’s Got Talent: The Champions.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Harlet Villanueva, supervisor ng ALS Polangui North District, tunay na nakakabilib umano ang ipinakita ni Pomoy na hindi lang inspirasyon sa musika kundi sa pag-aaral.

Salaysay ni Villanueva, nakapagtapos si Pomoy sa ALS, Hunyo noong nakaraang taon matapos na irekomenda ni Polangui Vice Mayor Buboy Fernandez.

-- Advertisement --

Matatandaang dalawang beses na nakasama si Marcelito sa grupo ng mga umawit ng “Lupang Hinirang” sa laban ni fighting Senator Manny Pacquiao kung saan napag-usapan ang pagiging undergraduate ng singer.

Mismong si Pacquaio rin aniya ang nagtanong kay Coach Buboy sa maitutulong nito kay Marcelito hanggang sa makapag-enrol ito sa Polangui ALS Center noong October 2018.

Dahil sa Quezon province nananatili si Pomoy na malayo sa Polangui, pinadadalhan ito ng lessons at module sa bahay hanggang sa review class noong Pebrero 2019.

Malaki rin aniya ang tulong ni Pomoy sa paaralan sa mga nai-donate na learning materials na nagagamit ngayon ng iba pang mga estudyante.

Dr. Harlet Villanueva, supervisor ng ALS Polangui North District