Reading Time: 1 minute

Sasampahan pa rin ng kaso ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang mga makakaliwang grupo sa kabila ng paglutang ng limang estudyante na sinasabing ni-recruit ng mga ito.

Ayon kay PNP chief police Gen. Oscar Albayalde, tuloy pa rin ang paghahaain ng kaso batay sa reklamong isinampa ng mga magulang ng mga menor de edad.

Magugunitang kinasuhan ng CIDG ang mga opisyal ng Anakbayan kamakailan matapos ireklamo ng inang si Relissa Lucena ang pagkawala ng kanyang anak na estudyante ng Far Eastern University.

Paliwanag ng PNP chief, kahit lumutang na ang mga bata, gayundi na kusang loob umano silang sumama sa mga makakaliwang grupo, ay hindi raw maalis ang pagiging menor de edad ng mga ito.

Iginiit ng opisyal ang nakasaad sa batas kung saan nasa pangangalaga dapat ng mga magulang ang bawat menor de edad.

Kasabay nito, itinanggi ni Albayalde ang akusasyon ng naturang mga grupo na na-“brainwash” ng pulis at militar ang mga magulang magsampa ng reklamo.