Kinontra ng Lawyers for Commuter’s Safety and Protection (LCSP) ang pahayag ng Malacañang na walang oil crisis sa bansa sa gitna ng umiiral na tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa panayam ng Star FM Cebu, iginiit ni LCSP President Atty. Ariel Inton na totoo ang krisis at hindi lamang ito usapin ng langis kundi pati na rin ng pamumuno.
Ayon sa abogado, ramdam na ramdam ng mga ordinaryong Pilipino—lalo na ang mga commuter at driver—ang epekto ng tumataas na presyo ng langis, taliwas umano sa pananaw ng pamahalaan. Aniya, tila dini-downplay lamang ng gobyerno ang sitwasyon.
“Sa tingin ko lang, sinasabi nilang walang oil crisis para i-downplay nila ang sitwasyon dahil siguro ang kanilang tingin sa pagdownplay nila, ay maniniwala sa kanila ang mga tao. Yung kanilang statement ay pampulitika lamang,” saad ni Inton.
Binatikos din niya ang kakulangan ng kahandaan ng pamahalaan sa ganitong krisis, gayundin ang pagbibigay ng ayuda na aniya’y panandalian lamang at hindi solusyon sa pangmatagalang problema.
Sa halip, muling iginiit nito ang pagtanggal ng fuel excise tax at ang pag-aaral sa posibleng pag-repeal ng oil deregulation law. Binigyang-diin din ang pangangailangan ng pangmatagalang solusyon, kabilang ang pagkakaroon ng sariling pinagkukunan ng enerhiya ng bansa.
“Yng ayuda ay panandalian lang, hindi yan pang long-term solution. Nauubos at nauubos yan. That is just promoting the mentality of mendicancy. Hindi ayuda at pampapogi ang kailangan, ang kailangan ay yung long-term solution para sa ganitong sitwasyon na may krisis,” saad pa nito.
Dagdag pa ni Inton, malaki ang epekto ng sitwasyon sa sektor ng transportasyon, kung saan nababawasan ang mga bumibiyahe dahil sa kakulangan ng kita.
Nanawagan din ang grupo sa pamahalaan na maging tapat sa tunay na kalagayan ng bansa at maglatag ng malinaw na direksyon upang maibalik ang tiwala ng publiko at matugunan ang krisis sa pangmatagalan.















