-- Advertisements --

Ibinasura ng Georgia at Michigan ang isinampang kaso ni US President Donald Trump laban sa uimano’y nagaganap na iregularidad sa bilangan ng boto para sa 2020 US presidential elections.

Batay sa kasong isinampa ng Republican president sa estado ng Georgia, naihalo raw ang 53 late ballots mula sa mga balota na dumating sa tamang oras.

Sinubukan naman ni Trump na ipatigil ang bilangan ng boto at ninais pa nito na magkaroon ng mas malawak pang access sa tabulation process.

Ayon kay Judge James Bass, superior court judge sa Georgia, wala umanong sapat na ebidensya ang kampo ni Trump upang kwestyunin ang pagiging valid ng mga balota.

Sa kaso naman ng Michigan, sinabi ni Judge Cynthia Stephens na walang sapat na basehan ang mga alegasyon ng incumbent president.

Una nang sinabi ng mga ka-alyado ni Trump na mayroong voting irregularities sa Clark County sa Nevada dahilan upang magkaroon ng delay sa tabulation process ng mga balota.

Sinusubukan pang kunin ng Bombo Radyo Philippines ang komento ng isa sa mga campaign advisers ni Trump hinggil sa naturang isyu.

Naghain na rin ng parehong reklamo si Trump laban sa Pennsylvania kung saan lumabas pa ang mga impormasyon na nagsasabing nanalo si Trump sa kaniyang apela sa Pennsylvania Supreme Court na may kaugnayan naman sa poll watching access ng kaniyang mga poll watchers.

stacey witalec

Sa isang email na pinadala sa Bombo Radyo ni Stacey Witalec, Communications Director ng Pennsylvania Supreme Court, ay kaagad nitong pinasinungalingan ang nasabing balita.

Hindi pa raw aniya nila natatanggap ang kasong inihain ng kampo ni Trump.

Sa kasalukuyan ay hindi pa rin tapos ang bilangan sa apat na battleground states upang malaman kung mananatili sa kaniyang pwesto si Trump o papalitan ito ni dating US Vice President Joe Biden.

Sa naging press briefing naman ni Trump sa White House, samu’t saring patutsada na naman ang ibinato nito sa kaniyang katunggali.