LA UNION – Kasalukuyang nakakulong sa himpilan ng pulisya ang suspek na umano’y nambugbog na humantong sa kamatayan ng sariling kapatid sa Barangay Agdeppa sa bayan ng Bangar, La Union.

Nakilala ang suspek na si Romeo Hidalgo, 50, magsasaka, at residente ng nasabing lugar.

Nabatid ng Bombo Radyo mula sa Bangar Police Station, bago nangyari ang krimen ay inutusan umano ng suspek ang dalawang anak nito na lalaki na sunduin para papuntahin sa tabi ng ilog ang nakababatang kapatid at biktima na si Jose Hidalgo, 41, isa ring magsasaka, upang ayusin sana ang dating hidwaan ng mga ito.

-- Advertising --

Pagdating sa nabanggit na pook ay bigla na lang umanong binugbog ng suspek ang sariling kapatid.

Nang bumulagta at nawalan ng malay na ang nakababatang Hidalgo ay hahambalusin pa sana ito ng suspek ng hawak nito na kahoy ngunit napigilan ng kanyang mga anak.

Dinala sa Tagudin District Hospital sa lalawigan ng Ilocos Sur ang biktima ngunit binawian na ito ng buhay dahil sa cardiac arrest o atake sa puso.

Samantala, wala rin umanong balak na maghain pa ng kaso ang pamilya ang magkapatid laban sa suspek.