LA UNION – Humaharap sa kasong homicide ang isang 31-anyos na online seller matapos umano nitong mapatay ang kanyang ka-live-in na lalaki sa Barangay Pagdalagan Sur sa bayan ng Bauang, La Union.

Nakilala ang suspek na si Cristina Blanquera, habang ang biktima ay ang 35-anyos na si Randy Balatero.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Cpl. Bob Dominic Monang, imbestigador ng Bauang Police Station, mismong si Blanquera ang umamin na umano’y pumatay sa kanyang kinakasama habang isinasagawa ang pagsisiyasat.

-- Advertising --

Base sa naging salaysay ng suspek, pinukpok umano nito ng dumbbell metal plates ang ulo ni Balatero habang ito ay natutulog sa loob ng kanilang kwarto.

Nagawa ni Blanquera ang naturang krimen dahil hindi na ito nakakapagtimpi sa umano’y pang-aabuso at pangmomolestiya ng kinakasama.

Sinasabing madalas din umanong mag-away ang dalawa.

Nanatili pa rin sa bilangguan ang suspek habang hinihintay ang kahihinatnan ng kaso nito sa hukuman.