Reading Time: 1 minute

BUTUAN CITY – Patuloy na inaalam ang identity ng lalaking nabaril-patay ganap na alas-8:15 kagabi sa may Purok-5, Barangay Villa Kananga nitong lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Butuan kay Police Capt. Emmerson Alipit, tagapagsalita ng Butuan City Police Office, inihayag nitong nag-iinuman ang biktima at ang dalawa pang kasamahan sa isang tindahan sa nasabing lugar.

Nang ito ay malasing, nanggulo umano ito at naghahanap ng away.

Nagkataon naman na nasa parehong lugar din si Arvin Fariñas na isang Philippine Navy reservist, na siyang sumuway sa mga lasing.

Sa halip na makikinig, si Fariñas ang hinarap ng mga ito kung saan kumuha pa ng itak ang isa sa kanila hanggang sa ito ay na-corner.

Dito na siya bumunot ng kaniyang pistola at binaril ng isang beses ang lasing na natamaan sa ulo, dahilan sa kaniyang agarang pagkamatay.

Ayon kay Police Capt. Alipit, nagsitakbuhan ang mga kasamahan ng lalaki habang ang nakabaril ay boluntaryong sumuko sa Butuan City Police Station-1 at napag-alamang may lisensiya ang kaniyang dalang baril.

Sa ngayon, nasa pribadong punerarya sa Barangay Ampayon ng Butuan City ang bangkay ng biktima habang hinikayat ang dalawang kasamahan na magpakita na upang makilala ang lalaki.