BUTUAN CITY – Binaha ng simpatiya at inabutan ng maraming school supplies ang isang estudyante ng Lianga National Comprehensive High School sa Barangay Poblacion, bayan ng Lianga, Surigao del Sur.

Ito’y matapos mag-viral ang post ng isang guro nang makita ang nasabing estudyante na gumamit ng dahon ng saging upang may masulatan sa kanilang mga leksyon dahil sa kawalan ng notebook.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni teacher Arcilyn Balbin Azarcon na hindi niya sukat akalaing totohanan na pala ang ginawa ng 16-anyos na Grade 8 student niyang si Erlande “Loloy” Monter na gustong mabigyan ng puntos kaya hindi naging hadlang ang kawalan niya ng notebook.

Dahil “na-touch” sa kanyang nasaksihan matapos ikutin ang kanyang mga estudyanteng pinakopya niya sa mga sinulat niya sa blackboard, kununan niya ito ng mga larawan at ipi-nost sa kanyang account.

Layunin lamang daw ng Math teacher na ipakita sa iba niyang mga mag-aaral ang determinasyon ni Erlande na makapagtapos sa sa pag-aaral kahit na kulang siya ng mga gamit.

Kabaligtaran pa raw kasi nito ang iba na kahit kompleto sa kanilang school supplies, ay blangko naman ang kani-kanilang mga notebooks dahil idadaan na lang sa pictures gamit ang cellphone, ang pagkopya nila sa mga sulatin para sa kanilang mga lectures.