Reading Time: 2 minutes
lani mercado

Nananawagan si Bacoor mayor-elect Lani Mercado na sana ay bigyang muli ng tiyansa na makapaglingkod sa sambayanan ang asawa niyang si Ramon “Bong” Revilla Jr.

Hanggang ngayon kasi aniya ay hindi pa rin tumitigil ang mga taong nanlalait at tinatawag na “mandaramBONG” at magnanakaw ang kanyang asawa.

Ito ay kaugnay ng pagkakasangkot ng 52-year-old actor-politician sa kontrobersyal na pork barrel scam.

Ayon kay Lani, nakatutok pa rin ang kanilang pamilya sa maaaring kalabasan ng katatapos lamang na 2019 senatorial race.

Hangga’t wala pa raw kasing nagaganap na proklamasyon ay mayroon pa ring posibilidad na magbago ang puwesto ni Bong sa “Magic 12.”

Dagdag pa ng alkalde, nasasaktan siya sa mga masasakit na salitang ibinabato sa kanyang asawa lalo’t kabilang dito ang ilang celebrities.

“Sana bigyan natin siya (Bong) ng tsansa. This is his second chance in life, e. Ire-rebuild niya ulit ang pangalan niya from the very beginning… Ah, hindi naman from the very beginning. Kumbaga, meron siyang gagamutin. Kailangan niyang patunayan sa mga tao na mali ang mga akusasyon sa kanya… na mali sila. So, extra effort yun para kay Bong,” ani Mercado sa isang panayam.

Kung matatandaan, deretsahang pinangalanan ni Luis Alandy sina senatorial candidates Imee Marcos at Bong Revilla nang tukuyin nitong magnanakaw at kriminal ang nasabing mga pulitiko.

Ayon naman sa aktor na si Felix Rocco, walang tunay na malasakit sa Pilipinas ang mga bumoto kay Revilla.

Noong December 2019 nang makalaya si Bong mula sa mahigit apat na taong pagkakakulong sa Philippine National PoliceDetention Center dahil sa kasong plunder.

Siniguro naman ni Lani na muling bubuuin ng kanyang asawa ang kredibilidad na nasira dahil sa maling akusasyon laban sa kanya.