IMG 20190613 105150

Ibinunyag ng kampo ni Vice President Leni Robredo na lamang pa ng 15,000 votes ang bise presidente sa tatlong pilot provinces na tinukoy ni dating Senator Bongbong Marcos sa kanyang poll protest.

Ayon Kay Atty. Romulo Macalintal, sa isinagawa raw na recount at revision, naibilang na dito ang mga botong hindi masyadong nai-shade sa mga bilog sa balota pero pasok sa threshold.

Ibig sabihin, marami raw boto kay Robredo mula sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental ang hindi nabilang ng vote counting machine (VCM).

Pero sa kabila niyan, hindi raw ibig sabihin nito na nagkaroon na ng iregularidad sa halalan noong 2016.

Samantala, binuweltahan ng kampo ni Marcos ang ipinangalandakan ni Macalintal na lamang ng 15,000 na boto sa tatlong pilot provinces sa manual recount.

Ayon sa abogado ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, paano masasabi ni Macalintal na lamang na sila o mayroon silang figures gayong wala pa namang ipinapalabas na official findings ang Supreme Court (SC) na siyang tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET).

Naniniwala naman si Rodriguez na isa ito sa paraan ng kampo ni VP Robredo upang mapagtakpan ang ulat mula sa Commission on Audit (COA) na nag-aatas sa kampo ni Robredo na sagutin ang ginamit na pondo sa Angat Buhay program ng kanyang tanggapan dahil sa kawalan ng mga resibo o dokumento para patibayan na nagamit ng tama ang may P44.26 milyong pondo ng kanyang opisina.

Maliban dito, sinabi ni Rodriguez na paraan lamang ito ng kampo ni Robredo para mas lalo pang pabagalin ang pagulong ng poll protest ni Marcos.