NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos paulanan ng bala sa Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Joel Hawak, 47-anyos, residente ng Sitio Japlit, Brgy. Del Rosario, Tiaong, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, sinasabing habang minamaneho ng biktima ang kaniyang motorsiklo ng biglang dumating ang hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nagtamo ng malalang mga tama sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang ulo at katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Napag-alaman din na ang nasabing biktima ay dati ng naaresto sa iligal na droga at illegal possession of explosives.

Samantala, narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang siyam na basyo ng bala ng baril.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad habang paghahanap na rin ang suspek sa likod ng nangyaring krimen.