KORONADAL CITY – Inaresto ng mga kapulisan ang isang lalaki na nagkunwaring empleyado ng Department of Health sa checkpoint sa bayan ng Tantangan.

Kinilala ang naturang suspek na si Leo Puig.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Koronadal, namimigay umano ng certification si Puig upang makapagbiyahe umano ang mga public utility van.

Taliwas naman ito sa inilabas na executive order no. 18 ni South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo Jr kung saan suspendido ang lahat ng public mass transport sa loob ng 14 araw habang ipinaiiral ang total calibrated lockdown.

Sinasabing nabiktima na nito ang pitong van drivers at kundoktor upang mabigyan ang mga ito ng pinaniniwalaang certification to travel.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Koronadal City Investment and Promotion Officer Elric Batilaran, mariin nilang itinatanggi ang pamimigay ng certification at iginiit na wala silang hurisdiksyon upang mamigay ng mga ito.

Kanila ring ikinokonsidera ang pagsasampa ng kaso laban sa naturang suspek.

Sa ngayon nakakulong na si Puig sa lockup cell ng Koronadal PNP at nahaharap rin sa patong-patong na kaso.