CEBU CITY – Inaalam pa ng PNP kung ano ang motibo sa pagkamatay ng isang lalaki sa Barangay Dauis Norte, sa bayan ng Carmen, Cebu matapos umano mabaril ng ‘di pa nakilalang gunman.

Natagpuang patay ang biktimang si Jasper Perez, 30, at residente ng lungsod ng Danao kung saan tinali umano ang kanyang kamay at paa, binusalan ang bibig, at piniringan ang mata gamit ang masking tape.

Ayon kay Cpl. Paul Winmar Bariga ng Carmen Police Station na dumulog sa kanilang tanggapan ang isang habal-habal driver na syang unang nakakita sa katawan ni Perez.

Tumambad sa mga rumespondeng pulis ang katawan ng biktima kung saan tinadtad umano ito ng mga tama ng bala.

Na-recover mula sa crime scene ang walong empty shells ng caliber 45, pati ang dalawang live ammunitions at isang deformed slug.

Dagdag pa ni Bariga na nasasangkot diumano si Perez sa pinagbabawal na gamot, ayon pa sa mga salaysay ng kanyang mga kapitbahay.

Kasalukuyang inaalam pa ng otoridad ang identity ng responsable sa pagpatay ng biktima kasabay ng isinagawang malaliman nitong imbestigasyon.