Reading Time: 1 minute

KALIBO, Aklan – Naka-hospital arrest ngayon ang isang 26-anyos na lalaki matapos magtangkang magpakamatay nang makonsensiya sa panghahalay sa 16-anyos na pamangkin sa Libacao, Aklan.

Nakatakdang sampahan ng kasong rape in relation to Republic Act 7610 ang suspek na si alyas “Bimboy,” isang magsasaka at residente ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, inabangan ng suspek ang Grade 10 student na dalagita habang papunta sa paaralan dakong alas-7:00 ng umaga at ginahasa sa gilid ng burol.

Tinutukan umano ng tiyuhin ng dalang espading o cane knives ang dalagita dahilan na nagawa ang maitim na balak.

Ayon pa sa pulisya, matapos ang insidente ay nagtangkang magpakamatay ang suspek sa pamamagitan ng pagbigti sa puno ng indian mango, subalit naputol ang sangang pinagtalian dahilan na uminom ng lason at naglaslas ng pulso.

Agad itong isinugod ng mga umarestong pulis at tanod sa Aklan Provincial Hospital matapos madatnang nanghihina na.