ILOILO CITY – Patuloy ngayon na nagpapagaling sa ospital ang mag-asawa at kanilang anak matapos saksakin ng nag-amok na pasahero sa loob ng bus sa na may rutang Estancia- Iloilo City.
Ang mga sugatan ay sina Jeramil Perez, 31, may sugat sa dibdib; live-in partner nito na si Mae Panes, 24, may sugat sa dibdib, baywang at kamay at kanilang tatlong taong gulang na anak na si Gavin Clyde, na may saksak sa likod.
Ang suspek naman ay si Rodel Ilagan, 41, residente ng Cubay, Jaro, Iloilo City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lt. Danilo Noca, hepe ng Ajuy Municipal Police Station, sinabi nito na nanggaling sa Estancia ang bus at ng dumating sa Sara, Iloilo, sumakay ang suspek.
Ayon kay Noca, nang nasa Morocoro,Ajuy ang bus, doon na at nag-amok ang suspek at walang habas na nanaksak ng mga pasahero.
Kahit na sugatan, nagawa namang maagaw ng ama ang patalim kay Ilagan at tumulong rin ang ibang mga pasahero.
Ayon sa hepe, hindi kilala ng suspek ang mga biktima.
Dinala rin ng pulisya sa ospital ang suspek kung saan hindi pa nila ito makausap ng matino.