LEGAZPI CITY – Patuloy na binabantayan sa kasalukuyan sa pagamutan ang lagay ng isang lalaki matapos na barilin sa Pioduran, Albay.

Una rito, ipinarating ng isang concerned citizen sa pulisya ang nangyaring pamamaril kay Ryan Lustistica, 30-anyos na residente ng Brgy. Panganiran.

Agad naman umanong dinala ang biktima sa district hospital ng bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Joseph Abel Jarabejo, hepe ng Pioduran PNP, itinuturong suspek sa insidente ang sariling kapatid lang naman ng biktima na si Noe Lustistica, 34-anyos.

Sinasabing away sa lupa ang motibo sa pamamaril kay Ryan na nagtamo ng tama ng bala sa likod nito.

Inaalam na rin sa ngayon ang lokasyon ng suspek na tumakas matapos isagawa ang krimen.

Hinihintay rin ang pagbuti ng lagay ng biktima upang makapagbigay ng pahayag ukol sa nangyari.

Kabilang pa sa iniimbestigahan ngayon kung paanong nakakuha ng armas si Noe at kung anong kalibre nito.