Posibleng lumiban ng hanggang isang linggo si Los Angeles Lakers forward Kyle Kuzma dahil sa natamo nitong minor ankle sprain.

Batay sa anunsyo ng team nitong Martes (Miyerkules, oras sa Pilipinas), ito raw ang lumabas sa isinagawang MRI kay Kuzma.

Nakuha ni Kuzma ang injury noong fourth quarter ng pagkatalo nila noong nakaraang araw sa Los Angeles Clippers 113-105.

Liban dito, kuwestiyunable rin kung makakalaro rin sina Brandon Ingram (shoulder), Tyson Chandler (neck) at Lance Stephenson (toe) sa mga susunod pang laro.

Sa 60 laro ng Lakers ngayong season, si Kuzma ang pumapangalawa sa leading scorers sa team na may career average na 18.8 points, 46.5 percent field goals, 76.1 percent free throws, at 2.5 assists.