Reading Time: 1 minute

CAGAYAN DE ORO CITY – Magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Regulatory and Complaint Board (RCB) sa kumakalat na sex video sa social media na kinasasangkutan ng dalawang menor de edad.

Sinabi ni RCB inspectorate team leader Antonio Resma na gusto nilang malaman kung saang establisyemento ito nangyari upang mabigyan ng karampatang aksyon.

Sa katunayan, nakipag-unayan na rin sila sa National Bureau of Investigation (NBI-10) sa mga natatanggap na impormasyon lalo na’t naniniwala sila na matagal na itong nangyari at ngayon lamang lumabas sa publiko.

Nananawagan din ang ahensiya sa pamilya ng biktima na pumunta sa kanilang tanggapan upang matulungan at mapapanagot ang may-ari ng establisyemento kung saan nangyari ang iskandalo.