CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi pinaniwalaan at tinawag na political propaganda ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte ang kumakalat na video na nagtuturo sa kaniyang kapatid na si Paolo Duterte na sangkot sa iligal na droga dito sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cagayan de Oro kay Inday Sara, sinabi nito na malaki ang kanilang paniniwala na kagagawan ito ng kanilang mga kaaway sa pulitika lalong-lalo na ang iilang mga mambabatas na kritiko ng kaniyang ama na si Presidente Rodrigo Duterte.

Ngunit, ayon kay Inday Sara mayroon na silang sinusunod na apat na account sa Facebook na maaring siyang pinagmulan ng nasabing video.

Dagdag pa ng alkalade na hindi ito nakaapekto sa kanilang pamilya at hindi rin karapat-dapat na bigyan ng pansin ng taong bayan.

Hindi naman diretsahang inamin ni Sara na isa si Sen Antonio Trillanes sa kanilang pinagdudahan na nagpakalat nito taliwas sa paniniwala ni Pulong.