Inirekomenda ng Department of Finance (DOF) na magbigay ng kontribusyon ang military and uniformed personnel (MUP) na aktibo sa serbisyo ng 5% ng buwanang sahod para sa unang tatlong taon ng panukalang pension system.
Liban dito, ipinanukala din ng ahensiya na mag-ambag ang new entrants sa uniformed services ng 9% ng kanilang basic salary at longevity pay para sa retirement fund.
Ipinaliwanag ng Finance department ang naturang mga rekomendasyon nito sa isang pahayag na inilabas ng isang technical working group na tumutulong sa Marcos administration na bumalangkas ng pension reform law para sa military at uniformed personnel.
Iminungkahi din ng DOF na dagdagan ng gobyerno ang mga kontribusyon sa MUP upang ang buwanang premium ay maging kabuuang 21% na pareho para sa iba pang empleyado ng gobyerno
Ang komputasyon para sa iminungkahing kontribusyon ng MUP ay ibabatay sa data mula sa updated na actuarial study ng Government Service Insurance System (GSIS) na malapit nang ilabas.
Ayon sa DOF, ipupuhunan ng GSIS ang buwanang premium para makuha ang kinakailangang return na nasa 85% hanggang 90% ng pensiyon sa pagreretiro.
Dahil ang pagreretiro ng MUP ay sa edad na 57, mas matagal nilang mai-enjoy ang kanilang pensiyon kaysa sa ibang mga empleyado.
Saklaw ng MUP pension ang mga retirado mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Corrections, Philippine Coast Guard at Philippine Public Safety College.
Nagbabala naman si Finance Secretary Benjamin Diokno na “fiscal collapse” ang mangyayari kung patuloy na popondohan ang MUP pension gamit ang pera ng mga nagbabayad ng buwis at pangungutang ng gobyerno.