Tinututukan ngayon ng Department of Education (DepEd) kung paaano maibabalik ang klase ng mga mag-aaral sa Batangas sa lalong madaling panahon.

Sa launching ng Duterte Legacy sa Philippine International Convention Center (PICC), sinabi ni Education Sec. Leonor Briones na naghahanap na sila ng mga lugar na maaaring paglipatan ng mga evacuees na namamalagi ngayon sa mga paaralan o maaaring pagtayuan ng learning shelters.

-- Advertisement --

Ayon kay Sec. Briones, tuwing mayroong sakuna, naaantala ang klase ng mga mag-aaral dahil ginagamit na evacuation centers ang mga paaralan.

Batay sa pinakahuling data ng DepEd, nasa higit 7,000 ang paaralan ngayon na nagsisilbing evacuation center para sa mga residenteng apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal habang nasa higit 7 million mag-aaral naman ang apektado dahil ginagamit na evacuation centers ang kanilang mga classrooms.