Bumaba ang kita ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ngayong taon dahil lumipat sa ibang bansa sa Southeast Asia ang maraming players, ayon kay Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) Chairperson Andrea Domingo.
Sinabi ni Domingo sa briefing ng House Committee on Appropriations kaninang umaga hinggil sa 2022 national budget na kalahati na lang ng mga POGO players ang natira sa bansa.
Hindi naman nagbigay ng eksaktong bilang si Domingo kung ilan ang mga ito, pero hanggang noong Agosto 6, 2021 ay mayroon pang 41 POGOs na nakarehistro sa PAGCOR, base sa listahan na nakalagay sa kanilang website.
Ayon kay Domingo, P1.6 billion ang nakolekta ng PAGCOR mula sa POGO industry sa unang anim na buwan ng 2021, malayo pa sa kinikita nila kadalasan na nasa P8 billion hanggang P9 billion kada taon.
Ang mga POGO na ito ay nagbabayad naman aniya ng buwis pero mayroon aniyang bagong regulasyon sa ngayon kung magkano lang ang dapat nilang bayaran.
Kamakailan lang, inaprubahan ng mga senador ang panukalang batas na magpapataw ng 5% na buwis sa gross gaming receipts para sa offshore gaming licensees at 25% withholding tax sa mga foreingers na empleyado ng mga offshore gambling licensees at service providers.
Pumayag ang liderato ng Kamara na pagtibayin na lamang ang bersyon ng Senado para hindi na dumaan pa sa reconciliation process sa ilalim ng bicameral conference.
Sa oras na maging ganap na batas, tinatayang P28.7 billion ang kikitain ng pamahalaan mula sa koleksyon sa lahat ng POGOs ngayong taon.
Pero sinabi ni Domingo na ngayong 2021 nasa P4 billion lang ang maari nilang makolekta mula sa mga POGOs.