(Update) Kaagad pinawi ni Kim Chiu ang pangamba ng kanyang mga tagasuporta matapos ang kinasangkutang shooting incident sa van kung saan siya nakasakay bandang alas-6:00 kaninang umaga sa bahagi ng Quezon City.

Sa kanyang Instagram post, inihayag ng 29-year-old actress na nagpapasalamat siya sa lahat ng mga nag-alala pero hindi pa nito masasagot ang lahat ng mga text at tawag sa kanya upang siya ay kamustahin.

Kuwento pa ng Chinese-Filipina actress na tubong Cebu, labis siyan natakot ngunit ang mahalaga ay walang nasaktan sa mga kasama niyang assistant at driver.

Palaisipan kay Chiu kung “mistaken identity” ang nangyari dahil wala naman siyang kaaway.

Una rito, tinambangan ang van nito sa kanto ng Katipunan Avenue at C.P. Garcia Avenue sa Quezon City.

-- Advertisement --

Ayon sa kanyang driver, agad ding dumiretso sa taping si Kim kasama ang kanyang assistant.

Sa inisyal na impormasyon, kakalabas lamang ng van ni Kim sa subdivision nito nang biglang barilin ng dalawang hindi pa kilalang suspek na lulan ng motorsiklo.

Iniimbestigahan na ng Quezon City Police District ang pangyayari.