CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng mga kilos protesta ang mga healthcare workers dahil sa binawasang pondo para sa kanilang benepisyo sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Jao Clumia, presidente ng Employees Union ng St. Lukes Medical Center (SLMC) na ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) nang magkaroon sila ng dayalogo na 7.9 billion pesos lang ang inilaan na pondo para sa benepisyo ng mga healthcare workers.
Ayon kay Ginoong Clumia, ang pagkakaunawa nila nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 51 billion pesos na pondo noong December31, 2021 ay maibibigay na ang kanilang mga benepisyo para sa kanilang serbisyo sa panahon ng pandemya.
Sa pinagtibay na pambansang pondo ay binigyan ng kapangyarihan si Pangulong Duterte na kumuha sa mga ahensiya ng pamahalaan kung may excess budget para mapunan ang nasabing pondo.
Kinuwestiyon nila kung bakit maghahagilap pa ng pondo at bakit napunta sa unprogrammed ang pondo dahil kawawa ang mga health workers na umaasa na may pondo na ngayong 2022 para sa kanilang benepisyo.
Ayon kay Ginoong Clumia, magsasagawa ng malawakang kilos protesta sa February 14, 2022 ang mga private at public healthcare workers para
ipanawagan sa pamahalaan na ibigay ang mga nararapat na benepisyo para sa kanila.
Ayon kay Ginoong Clumia, lumabo na matanggap nila ang kanilang benepisyo dahil magre-recess na ang Kongreso.
Bukas silang makipagdayalogo sa DOH at nais nilang malaman kung bakit hindi binigyang-katwiran kung bakit binawasan ang pondo para benepisyo ng mga healthcare workers sa gitna ng patuloy na pandemya.