Pinatawad at binawi na ng pulis mula Puerto Galera Municipal Station ang kaso na isinampa nito laban sa babaeng Iranian na namaso ng sigarilyo at nanadyak sa kanya.

Ito’y matapos matuklasan ni PO2 Ferr Henrick Mangarin na may sakit na bipolar disorder ang suspek na si Fereshteh Najafi Marbouyeh.

Ang pagkakaroon ng bipolar 1 disorder ng suspek ay kinumpirma ni Dr. Rodel B. Gabayan Jr., ng Puerto Galera Municipal Health Office, na sumuri sa suspek kahapon habang nasa piitan.

Kasunod nito ay nag-execute na ng “affidavit of disinterest to file a case” si PO2 Mangarin sa inihaing “assault to person in authority” na kinakaharap ng suspek.

Gayunman, bagama’t makakalaya na ang dayuhan ay ipinakiusap ng pamilya nito na pansamantalang panatilihin si Marbouyeh sa istasyon hanggang sa makarating ang tulong mula sa Iranian embassy at ang gamot na ipinadala sa sa pamamagitan ng package.

Kung maaalala, si Marbouyeh ay dinala sa Puerto Galera Municipal Police Station kamakalawa dahil sa pag-eskandalo nito habang lasing.

Tuluyan siyang inaresto matapos pasuin ng sigarilyo at tadyakan pa si PO2 Mangarin nang tinangka nitong pakalmahin ang nagwawalang dayuhan.