LEGAZPI CITY – Tiniyak ng pulisya na sasampahan pa rin ng kaso ang driver ng jeep na nahulog sa bangin kamakailan sa Albay kung saan 10 pasahero ang patay.

Ito’y matapos na hindi maisailalim sa inquest proceeding ang driver na si Rolando Olade na dumaan muna sa medical check-up, batay na rin sa rekomendasyon ng doktor.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni police Maj. Ryan Atanacio, hepe ng Libon Municipal PNP na nakatakda na nilang ihain ang kaso at hinihintay na lang ang affidavit ng mga biktima.

Nakiusap naman daw si Olade sa pulisya na manatili sa kanilang kustodiya dahil sa umano’y banta sa kanyang buhay.

Sa ngayon ay inaasikaso na rin umano ng jeepney operator ang insurance para sa mga biktima.