Dumipensa ang Philippine National Police (PNP) sa pagkakasama sa pangalan ni dating PNP Chief Gen. Oscar Albayalde sa amended complaint na isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa 13 “ninja cops” na nanguna sa maanomalyang Pampanga raid nuong 2013.

Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, hindi minadali ang pagsampa ng kaso laban sa dating PNP chief.

Habang patuloy aniya ang Senate hearing ay nakatutok din ang CIDG kaya ang pagsampa ng amended complaint ng CIDG kasama ang pangalan ni Albayalde ay resulta ng masusing pag-aaral.

Nakitaan din ng probable cause para isama ang pangalan ni Albayalde sa amended complaint at hindi “haphazardly prepared” ang kaso.

“Nakita naman natin na nakahanda ang CIDG doon sa kanilang sinampang kaso ay ito ay kanilang paninindigan at tayo ay naniniwala na tatayo ito sa korte,” ani Banac.

Una nang nagpahayag sina Sen. Richard Gordon at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na kwestiyunable ang paghain ng kaso ng CIDG laban kay Albayalde at 13 ninja cops.

Isinampa ang kaso sa ilalim ng pamumuno ni M/Gen. Amador Corpuz na kaklase ni Albayalde.

Sa ngayon hindi na si Corpus ang CIDG chief kundi si B/Gen. Joel Coronel.