Kasalukuyang ginagamot na sa Pasay General Hospital ang isang indibidwal na nasaugatan matapos magkarambola ang tatlong sasakyan, Linggo ng madaling araw sa may southbound lane ng Roxas Boulevard, Pasay City.

Kinilala ang sugatang indibidwal na si Jose Beltran, driver ng Nissan Urvan.

Ayon sa driver ng isa sa van na si Virgilio Calderon, pauwi na sana ito sa may Baclaran nang salpukin ito ng Nissan Urvan na minamaneho ng isang Jose Beltran na nagtamo ng sugat sa mukha.

Mabilis umano ang takbo ng Urvan na tumama rin sa isang Mitsubishi Delica.

Dahil sa malakas ang impact umikor ang Delica bago tumagilid habang sumalpok sa center island ang Urvan.

Yupi ang harapan at gilid na bahagi ng mga sasakyan at nabasag ang salamin.

Hindi naman nasugatan ang dalawa pang driver na sangkot sa insidente.

Kasalukuyang iniimbestigahan na ng Pasay police ang nasabing aksidente.