Matapos payagan ang pagbiyahe ng 1,943 na jeep ngayong araw sa 17 ruta, plano na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbukas din ng mas maraming ruta para sa mga bus at UV express sa mga susunod na araw.
Sinabi ni LTFRB Chaiperson Martin Delgra III na ang kanilang pinaplantsa ngayon ay dahil na rin sa demand o pangangailangan ng mas maraming sasakyan sa kalsada para sa mga commuters lalo na’t panahon na ng tag-ulan.
Ang naturang expansion ng public transport ay hindi lamang daw dito sa Metro Manila kundi pati na rin sa iba pang lugar sa bansa.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Delgra na mahigpit pa rin nilang sasalain ang mga papayagang bibiyaheng mga UV Express at mga bus na nakasunod talaga sa health protocol.
Nagbabala naman ang LTFRB sa mga operators ng mga pampublikong sasakyan na maglalabas sila ng show cause order sa mga hindi susunod sa health protocol na inilabas ng Inter Agency Task Force (IATF).