Kapitolyo, magbibigay ng tulong sa mahigit 900 na tour guides na apektado sa temporaryong pagsara at pagsuspinde sa mga aktibidad sa Kawasan falls
Inanunsyo ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia ang pagpapaabot ng tulong 908 canyoneering tour guide sa bayan ng Badian Cebu na naapektuhan sa suspension order ng Pamahalaang panlalawigan sa mga tourism activities sa Kawasan Falls.
Bawat isa sa mga ito ay bibigyan ng tig-isang sako ng bigas matapos naapektuhan ang kanilang mga kabuhayan.
Isinali na rin ang mga tour guide sa “pakyaw system” ng Kapitolyo kung saan babayaran sila para gibain ang mga ilegal na istruktura na lumalabag sa easement zone sa Kawasan Falls at mga tabing ilog nito.
Samantala, inanunsyo ni Garcia ang pagbawi sa governor’s permit sa mga operator ng canyoneering sa nasabing bayan na hindi nakarehistro ang kanilang negosyo sa Bureau of Internal Revenue.
Napag-alaman na sa 43 na natukoy na canyoneering operators sa Badian, 16 lamang ang nagbabayad ng buwis sa BIR.
Kumikita pa ang canyoneering ng hindi bababa sa P336 milyon bawat taon o hindi bababa sa P7 milyon bawat linggo ngunit karamihan sa mga operators ay hindi nagbabayad ng wastong buwis.
Kung maalala, una nang naglabas ang gobernadora ng Executive Order 14 noong Hunyo 2 bilang tugon sa pagkakatuklas ng mga debris at mga nasirang inabandonang istruktura mahigit isang taon matapos ang paghagupit ng super typhoon Odette (Rai) sa Cebu noong Disyembre taong 2021.