-- Advertisements --

Sinabi ng kampo ni Vice President Sara Duterte na sa kabila ng magiging pag-testigo ni Ramil Madriaga sa magiging impeachment hearing sa Martes, hindi sila nababahala sa magiging epekto nito sa buong resulta ng pagdinig.

Sa isang panayam, inihayag ni Atty. Salvador Panelo na ang mga nauna nang pahayag ni Madriaga ay pawang mga kasinungalingan lamang at kapag dinala na aniya ang impeachment sa tamang forum gaya ng senado ay mas mapapatunayang peke at walang katotohanan ang kaniyang mga pahayag.

Dagdag pa ni Panelo, ang tanging ikinababahala lamang ng panig ng Bise Presidente ay baka umano maniwala ang komite sa mga kasinungaling ito lalo na at pawang mga kalaban umano sa politika ng Pangalawang Pangulo ang mga bumubuo ng House Justice Committee.

Samantala, sa isang kautusan mula sa Manila Regional Trial Court nitong Miyerkules, pinayagan na ng korte na dumalo si Madriaga sa magiging pagdinig ng Kamara de Representantes para sa pagtalakay sa impeachment ni VP Sara.

Nakasaad sa kautusan na bagamat pinapayagan ang pagdalo nito sa hearing ay dapat aniyang mayroong proper jail escort si Madriaga at papayagan lamang simula 8:00am hanggang 5:00pm ng hapon.