Iginiit ng Palasyo na nasa kampo ni Vice President Sara Duterte ang pananagutang magbigay ng ebidensya kaugnay ng sinasabing “Operation Romanov,” na binanggit bilang dahilan sa kanyang mga naging pahayag laban sa Pangulo.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, nabigyan na ng pagkakataon si VP Sara Duterte na magsumite ng detalye matapos siyang sulatan ng NBI kaugnay ng umano’y death threats sa kanya at sa kanyang pamilya, ngunit hindi umano ito tumugon.
Sinabi ni Castro na walang maaaring imbestigahan ang pamahalaan kung walang sapat na impormasyon o ebidensya na magpapatunay sa sinasabing operasyon.
Binigyang-diin din ng Palasyo na hindi maituturing na katwiran ang “Operation Romanov” sa umano’y pagbabanta ng Bise Presidente laban sa Pangulo.
Aniya, anuman ang personal na katayuan ni Duterte bilang ina o miyembro ng pamilya, ang pagbabanta sa buhay ng Pangulo ay nananatiling seryosong usapin.
8















