Hangad ngayon ng lokal na pamahalaan ng Brisbane sa Australia na ang UFC superstar na si Conor McGregor ang ipalit ng Top Rank Promotions kay Sen. Manny Pacquiao para labanan ang WBO welterweight champion na si Jeff Horn.

Inilutang ni Queensland Premier Annastacia Palaszczuk ang pangalan ni McGregor matapos na makumpirma ang pag-atras ni Pacman sa rematch ngayong taon.

Sinasabing kabilang nga sa dahilan sa desisyon umano ni Pacquiao na ‘wag munang ituloy ang rematch ay dahil sa labis na abala sa trabaho sa Senado.

Habang si McGregor naman ay ilang araw pa lamang ang nakakalipas nang talunin sa laban sa Las Vegas ng American undefeated champion na si Floyd Mayweather Jr.

Naniniwala ang Queensland Premier na tiyak aniyang magiging blockbuster din ang next fight ni Horn kung makukuha rin nila si Conor dahil sa marami itong hatak na mga fans.

Kabilang pa sa inaambisyon daw ngayon ng kampo ni Horn na makaharap ay ang dating  two division world champion na si Jesse Vargas na nauna na ring tinalo ng Pinoy ring icon.