Pumalag ang kampo ng umano’y kultong Socorro Bayanihan Services Inc. sa precautionary hold departure order na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ).
Ito ay kahit pa kasalukuyang nakadetine sa Senado ang lider ng sinasabing kulto na si Jey Rence Quilario o Senior Agila at iba pang respondents.
Nitong Biyernes ng hapon, muling humarap ang mga biktima at respondents na pinamumunuan ni Senior Agila sa panel of prosecutors ng DOJ.
Matapos ang pagdinig bilang bahagi ng preliminary investigation sa mga reklamo laban sa nasabing organisasyon, sinabi ni Socorro Bayanihan Services, Inc. lawyer Hillary Olga Reserva na tutol sila sa naging hakbang ng NBI.
Kaugnay nito, naghain aniya si Senior Agila ng supplemental counter-affidavit sa panel of prosecutors.
Umaasa sila na lahat ng kanilang idinulog sa kanilang counter-affidavit ay ikokonsidera sa pagsasampa ng posibleng kaso.
Ayon kay Assistant Secretary Mico Clavano, pagkatapos ng pagdinig, sinabi ng DOJ na natapos na ang preliminary investigastion sa iba’t ibang reklamo may kinalaman sa qualified trafficking, kidnapping, serious illegal detention laban kay Senior Agila at 12 iba pang respondents.
Tiniyak naman ng DOJ official na mananatili silang committed sa pagtiyak ng patas at malalimang imbestigasyon gayundin ang paggalang sa karapatan at kapakanan ng lahat ng sangkot na partido.
Sinabi din ni ASec. Clavano na ang motion for precautionary hold departure order ay naisumite na para sa resolution matapos ang masinsinang palitan ng argumento sa pagitan ng dalawang partido.