Pinagpapaliwanag ng minorya sa Kamara si Transportation Sec. Arthur Tugade kung bakit kailangan talagang gawaran ng emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte para sa problema sa trapiko sa Metro Manila.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Minority Leader Bienvenido Abante Jr., na hindi nila maaaring basta lamang pagbigyan ang Pangulo sa pagkakaroon ng emergency powers.

Dapat aniya malinaw muna sa kanilang mga mambabatas ang kahalagahan ng hinihingi ni Tugade na emergency powers para kay Pangulong Duterte.

Noong 17th Congress, nakalusot sa Kamara ang Traffic Crisis Act pero natulog naman pagdating sa Senado.

Kaya ayon kay Marikina Rep. Bayani Fernando, kung ngayong 18th Congress ay ayaw pa rin ng Senado ay wala pa ring mangyayari sa emergency powers na hinihingi ni Tugade.