Nilinaw ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na kailanman ay hindi nawala sa mga Lopez ang pagmamay-ari sa ABS-CBN kahit pa may inilabas na sequestration order noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa joint hearing ng House committee on legislative franchises at committee on good government and public accountability, sinabi ni Enrile, ang siyang nagpalabas ng sequestration order sa lahat ng television at radio stations sa bansa noong martial law, na kailanman ay hindi nailipat sa gobyerno ang pagmamay-ari sa ABS-CBN.

“The facilities of the entire ABS-CBN complex, broadcast complex, were placed under the control of the government. The title of all of these facilities was never transferred to the government. They remained with the owners,” ani Enrile.

Ito ay salungat sa sinabi ni Augusto Almeda-Lopez na inagaw ni Marcos ang titulo ng ABS-CBN at hindi ito naibalik sa kanila noong 1986 kaya kinailangan nilang kumilos rito para kanilang mabawi ang assets at equipment ng media giant.

Iginiit ni Enrile na ang sequestration order sa lahat ng television at radio stations noong martial law ay inilabas upang sa gayon ay makontrol ang sitwasyon para hindi makapagpahayag ng kanilang reaksyon ang mga oposisyon.

Noong 1973, sinabi ni Enrile na binuksan muli ang ABS-CBN para gamitin ng pamahalaan, pero noong 1986 ay naglabas siya ng kautusan na bumabawi sa sequestration ng ABS-CBN.