-- Advertisements --

Nanawagan si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa PhilHealth na sagutin na lahat gastusin sa pagpapagamot ng mga COVID-19 patients.

Bukod sa pagkakaroon nang pagkukuhanan ng pondo para rito, iginiit ni Defensor na nasa likod lang din ng PhilHealth ang national government para saluin ang kabuuang halaga nang magagastos ng mga indibidwal na positibo sa COVID-19.

Ayon sa vice chairman ng House Committee on Health, ngayong taon ay inaasahang makakakolekta ng mahigit P104 billion ang PhilHealth mula sa contribution ng mga miyembro nito.

Bukod dito, P71.3 billion pa aniya ang budgetary subsidy na matatanggap nito mula sa pamahalaan.

“This means that it has at least P175 billion, excluding income from investments,” ani Defensor.

Tinukoy ng kongresista na noong 2018 ay pumalo sa P118 billion ang nakolektang pera ng PhilHealth mula sa members contribution.

Noong taon din na iyon aniya pumalo sa P8 billion ang net profit nito kaya malinaw na mayroong financial capacity ang PhilHealth para sagutin ang hospitalization ng mga COVID-19 patitens.

Naniniwala ito na maraming mga mahihirap ang hindi na lang magpapagamot matapos magpositibo sa COVID-19 kung lalagyan ng limit ang sasaguting treatment expense ng PhilHealth.