ILOILO CITY – Kakaiba ang paraan ng isang barangay sa Lungsod ng Iloilo upang hikayatin ang mga mamamayan nila na manatili sa kanilang bahay habang nasa “enhanced community quarantine” ang lungsod.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Kapitan Madona Martin ng Barangay Concepcion Iloilo City Proper, sinabi nito na sadyang inilagay ang kabaong sa checkpoint area sa lugar.

Inilagay pa rito ang “stay at home or stay here” na ang ibig sabihin ay manatili sa bahay upang hindi mahawaan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa punong barangay, ang ideyang ito ay panakot sa mga residente na matitigas ang ulo.

Ani Martin, kahit pasado alas-8:00 na kasi ng gabi ay may mga tao pang lumalabas sa kanilang bahay sa kabila ng ipinapatupad na curfew.

Pahayag nito, patuloy ang kanyang public address upang maabisohan ang mga tao na huwag nang lumabas ng bahay upang hindi mahawaan ng sakit lalo’t mayroon nang isang kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Iloilo.