Nararapat lamang umanong maghain ang Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China dahil sa presensiya ng mahigit 100 Chinese fishing vessel sa Pagasa Island.

Ayon kay Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio, ang Pagasa Island ay teritoryo ng Pilipinas kaya naman kailangan talagang iprotesta ang pagbuhos ng mga Chinese fishing vessel doon.

Sinabi ni Carpio na maaari namang dumaan ang mga Chinese boats sa karagatang sakop ng bansa sa ilalim ng innocent passage pero hindi raw dapat manatili ang mga sasakyang pandagat ng China doon dahil ito ay territorial sea ng Pilipinas.

Dapat daw ay tuloy-tuloy lamang ang pagtawid ng mga sasakyang pandagat ng China doon.

Naniniwala naman si Carpio na sinusuway ng Chinese vessel ang karapatan ng Pilipinas sa Pagasa Island Kaya marapat lamang na iprotesta ito ng Pilipinas.

Kahapon nang ihayag ni National Security Adviser Hermohenes Esperon na umalis na ang mga Chinese vessels sa Pagasa Island dahil sa sama ng panahon.

July 24 hanggang July 25 nang nakatigil ang mga Chinese vessel sa paligid ng Pagasa Island.

Si Carpio ay kasama sa mga nagsampa noon ng reklamo sa Permanent Court of Arbitration sa The Haugue, Netherlands at naipanalo ng bansa ang reklamo laban sa China na ipinalabas noong July 12, 2016.

Pinaboran ng Permanent Court of Arbitration sa Pilipinas kontra China kaugnay ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.