Naniniwala si Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison na hindi talaga interisado ang ang Duterte administration sa muling paggulong ng usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista.

Sa isang statement, sinabi ni Sison na ang mga precondition na itinakda ng pamahalaan na ang peace talks ay dapat na isagawa sa Pilipinas at ang umano’y pagbasura sa isinusulong na “goodwill measures” ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay senyales na naghahanap lamang ang gobyerno ng pretext para ipagpatuloy ang pag-atake laban sa mga komunista.

“It is highly probable that Duterte’s offer of peace negotiations, preconditioned by resuming them in the Philippines, is a prelude to the escalation of attacks against the people and the revolutionary forces,” ani Sison.

“The NPA (New People’s Army) can see through the ruse and will not lay itself open to attacks by declaring a ceasefire that is not reciprocated by the AFP (Armed Forces of the Philippines) and PNP (Philippine National Police).” dagdag pa nito.

Ayon kay Sison, matagal nang isinusulong ng NDFP ang mga “goodwill measures” kasama na ang reciprocal unilateral ceasefire at pagpapalaya sa mga may sakit at matatanda nang political prisoners.

Ang pagbasura aniya ng mga militar at pulis sa mga mungkahi nilang ito ay nagresulta lamang sa pagdududa sa alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na peace talks.

Iginiit pa ng self-exiled communist leader na ang pagtanggi sa mungkahi ng NDFP ay indikasyon na mayroong “malicious scheme” para ipagpatuloy ang pag-atake sa mga rebeldeng komunista.

Magugunita na noong nakraang linggo ay inatasan ni Pangulong Duterte si Labor Sec. Silvestre Bello III na lumipad patungong Netherlands at kausapin si Sison sa posibleng resumption ng peace negotiations.

Ayon naman kay National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. dapat na matuwa ang publiko dahil sa hakbang na ginawa ng Pangulo.