Duda ang matagal ng trainer at kababata ni World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Manny Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) na si Buboy Fernandez na sasabay si Jeff Horn (16-0-1, 11 KOs) sa istilo ng fighting senator.

Ayon kay Fernandez, sakali umanong maramdaman na ni Horn ang lakas ng mga kamao ni Pacman tiyak umanong magsisimula na itong tumakbo at mag-iikot sa lona.

Kaya naman umaasa si Fernandez na sana naman ay maging tunay na lalaki si Horn at magpakita ng malaking puso upang maipagmalaki sa harap ng kanyang mga kababayan sa Australia.

Kapag nangyari umano na tumakbo si Horn, nakakahiya raw ito.

Samantala, ilang beses din umanong ni-review niya ang mga video ng dating mga laban ni Horn at napansin ni Fernandez na mabagal ito.

Mas mabilis pa rin at malakas daw ang eight division world champion.

Kaya naman hula ng assistant trainer ni Freddie Roach, babagsak ang 29-anyos na dating physical education teacher sa 5th o kaya 6th round sa July 2 na magaganap sa Suncorp Stadium.