Nagtagumpay ang Utah Jazz na soplahin ang tangka sanang pagwalis sa kanila ng Houston Rockets matapos nilang itala ang 107-91 panalo sa Game 4 ng kanilang Western Conference series.

Ibinuhos ni Donovan Mitchell ang 19 sa kanyang 31 points sa fourth quarter upang iligtas ang Jazz mula sa panganib na malaglag sa playoffs.

Umalalay din sina Jae Crowder na tumipa ng 23 points, Ricky Rubio na pumoste ng 18 points at 11 assists, at Derrick Favors na may 12 points at 11 rebounds.

Dahil dito, nagawa ng Utah na puwersahin sa Game 5 ang laro na idaraos sa Houston sa Huwebes.

Hindi naman nagbunga ang 30 points na hinugot ni James Harden para sa Houston, maging si Chris Paul na pumoste ng 23 points, walong rebounds at pitong assists.

Pangunahing pinagkunan ng suporta ng Utah ang 25-point combination nina Crowder at Rubio noong first quarter upang maukit ng Jazz ang double digit lead.

Binuksan ng Utah ang fourth quarter sa kanilang 15-1 bomba, at na-outscore ang Rockets 31-12 sa nasabing yugto.