Muling bumida ang Filipino American na si Jordan Clarkson nang magtala ng season-high na 40 points para idispatsa ng Utah Jazz ang Philadelphia 76ers, 134-123.

Nagmistulang matchup ng conference leaders ang nangyari pero sa huli namayani pa rin ang Jazz bilang may best record ngayon, 23-5.

-- Advertisement --

Nasayang naman ang ginawa ni Ben Simmons para sa 76ers nang iposte rin ang career-best na 42 points, 12 assists at nine rebounds – na muntikan na ang halos triple-double performance.

JC Jordan Clarkson Jazz
Fil Am star Jordan Clarkson

Sa ngayon hawak ng Sixers ang 18-10 win-loss record.

Sinamantala rin ng Utah ang kawalan ng big man ng Philadelphia na si Joel Embiid na nagpahinga muna.

Hindi naman nagpapigil si Clarkson nang magpakitang gilas din sa kanyang career-high na walong 3-pointers na sinuportahan din ni Donovan Mitchell na nagdagdag ng 24 points upang mahabol ng Jazz ang 14-point deficit.

Matapos ang laro todo pagbati ang tinanggap nang tinaguriang Utah Jazz’s sixth man na si Clarkson mula sa kanyang mga teammates.

Binuhusan ni Mitchell si Clarkson ng tubig upang “pahupain” sa kanyang init na ipinakita upang tulungan ang koponan sa panibago na namang panalo.

Sa ngayon umabot na sa walong games ang sunod-sunod na ipinanalo ng Jazz o 19 mula sa huling 20 games.

Exciting ang palitan ng puntos ng magkaribal na team na nauwi sa fast-paced game.

Si Joe Ingles ay hindi nagpahuli sa kanyang 20 points para sa Jazz.

Habang si Tobias Harris naman ay nagpakita rin ng season-high ng 36 points para sa Sixers.